Isang American Vlogger na Na-stranded sa Cebu, Binigyan ng Bahay ang Pamilya na Kumopkop sa Kanya


Taong 2016 nang unang pumunta sa Pilipinas, partikular sa Cebu, ang American vlogger na si Dustin Borglin na 36 taong gulang at nakatira sa Michigan, USA.

Dahil sa magandang karanasan niya sa naturang pagbisita, bumalik muli sa Pilipinas si Dustin nito lamang kasalukuyang taon ngunit, dahil naabutan ito ng pandemya ay hindi na nakabalik pa ang vlogger sa Amerika at nanatili na lamang sa Toledo, Cebu.

Habang nasa bansa, pinatuloy at itinuring si Dustin bilang pamilya ng mag-asawang sina Raymund at Reche Adoptante. Nakilala lamang niya noon si Raymund sa isang laro ng basketball noong 2016.

Para kay Dustin, malaki umano ang pasasalamat niya sa dalawa dahil sa pagtanggap ng mga ito sa kanya. Kaya naman, upang masuklian ang kabutihang loob na ipinamalas sa kanya ng mag-asawa, kamakailan lang ay nagpagawa si Dustin ng bahay para sa dalawa.



“They’re like my family. I’ve known them for almost three years now, and they’ve just been so kind to me,” ani pa ni Dustin.

Malaki naman ang pasasalamat nina Raymund sa regalong ito na ibinahagi sa kanila ng kaibigang vlogger. Habang buhay umano nilang pasasalamatan si Dustin sa mga tulong nito na talagang nagpabago umano sa kanilang buhay.

Maliban sa pagtulong sa mag-asawa, dahil sa pananatili nito sa bansa ay naging saksi rin si Dustin sa buhay na mayroon ang naturang lugar at ang kahirapan na dinaranas ng mga tao roon.

Kaya naman, sakay ng kanyang motor ay ibinabahagi ni Dustin sa kanyang vlog ang mga karanasan niya sa Pilipinas. Upang makatulong sa mga tao, gamit perang kinikita nito sa pagv-vlog ay namimigay ng tulong o ayuda si Dustin sa mga mahihirap na kanyang nakikilala sa bansa.

Dahil dito ay binansagan nilang ‘Santa Claus’ si Dustin dahil sa mga walang-sawa nitong pagtulong sa iba’t-ibang mga tao.


Minsan ay nagpagawa pa umano si Dusin ng palikuran para sa mga residente roon sa Cebu matapos nitong malaman na walang maayos na palikuran ang lugar.

Masaya man at maayos ang kondisyon nito sa bansa, hindi pa rin naman umano nakakalimutan ni Dustin ang kaniyang pamilya sa ibang bansa. Mabuti na lamang, dahil sa social media at sa mga vlogs na kanyang ibinabahagi ay nakikita at nagkakausap pa rin sila ng mga ito.

“Dustin, you know how we’re proud of you. We are and we love you very much. But we are especially thankful that you are using your God-given talents to help other people…

“We miss you. I just hope you continue doing your deed. We’ll see you when you get home and hopefully it’s by Christmas,” ani pa kay Dustin ng kanyang mga magulang.


Ayon pa sa mga magulang ni Dustin, noon pa man umano ay likas na umanong matulungin si Dustin sa mga nangangailangan. Mabuti umano itong anak at natutuwa silang malaman ang mga ginagawa nitong mabuti sa Pilipinas.

Para naman kay Dustin, umaasa ito na makakauwi rin siya sa kanilang bansa kahit wala pa itong kasiguraduhan. Sa ngayon, masaya ito na marami itong napapasaya at natutulungang mga tao. Mensahe pa nga nito para sa lahat,

“It doesn’t matter how much money you have. They might not have a lot, material-wise or financial-wise, that doesn’t buy happiness!”


Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments