Mag-ina, Patay Matapos Makuryente ng Laptop na Naka-charge Magdamag Para sa Online Class

Hindi na naisalba pa ang buhay ng mag-inang ito mula Barangay Bato, Panay sa Capiz matapos nilang makuryente ng laptop na ginagamit ng anak sa online class.

Ayon sa ulat, naamoy umano ng nanay na si Ann Gonzales, 40 taong gulang, na nasusunog ang laptop ng anak na nakakakabit sa saksakan. Upang maisalba ang laptop, agad itong tinanggal ni Ann mula sa pagkakasaksak ngunit, nakuryente lamang ito.

Nakahingi pa umano ng tulong si Ann sa anak nitong si Maria Stella Gonzales ngunit maging ito ay nakuryente na rin. Bagama’t naisugod pa raw ang mag-ina sa malapit na ospital, hindi na ito naisalba pa at idineklarang dead on arrival.

Nangyari umano ang naturang insidente bandang alas 3 ng hapon, ika-6 ng Oktubre. Ayon sa kwento ng mga kamag-anak ng nasawi, nang umaga nang araw na iyon ay maagang nagpaalam ang kanilang padre de pamilya upang magtrabaho.

Habang nasa trabaho, nakatawag pa umano dito ang asawang si Ann at sinabihan ito na bilhan ng load ang anak para sa online class nito. Si Maria Stella, 20 taong gulang, ay nasa ikatlong taon na nito sa kolehiyo sa isang pribadong paaralan sa Roxas City, Capiz. 

Isang taon nalang sana ay magtatapos na ito kaya naman labis ang paghihinagpis ng tatay ng mag-aaral para sa pagpanaw ng kanyang mag-ina. Ayon sa ulat, nag-iisang anak lang din umano ng mag-asawa si Maria Stella.

Sa ngayon ay ipinagpapatuloy pa ng mga kapulisan ang karagdagang imbestigasyon para sa pagkasawi ng mag-ina.

Dahil naman sa pangyayaring ito, agad na naglabas ng hinaing ang publiko sa social media dahil mayroon na naman umanong buhay na nawala na ang dahilan ay mayroong kinalaman sa online class. Ani ng mga ito, dapat umanong ikonsidera ng nasa taas ang mga pangyayaring ito para sa hiling ng marami na ipagpaliban na muna ang klase ngayong taon.

Saad ng mga ito, isang linggo pa lamang umano ang lumipas mula nang magbukas ang klase ay ilang buhay na raw ang naiulat na nawala na mayroong kinalaman sa online class o modular learning.

Bago kasi ang pangyayaring ito sa mag-inang mula Capiz, isang estudyante rin mula Bohol ang naiulat na nagpakamatay dahil naman sa modular learning. Nagpakamatay umano ang naturang binatilyo matapos hindi tanggapin ng guro sa kolehiyo ang ipinapasa niya ritong module. Hindi umano ito natapos sa oras ng estudyante dahil sa mahinang internet connection.

Kaya naman, dahil sa sunod-sunod at nakakalungkot na mga pangyayaring ito, mas lumakas pa ang kampanya sa social media para magkaroon ng Academic Freeze ngayong taon. Ang bagong sistema ng edukasyon sa bansa bunsod ng pandemya ay hindi akma sa parehong mga estudyante at maging sa mga guro.

Hindi lahat ng mga mag-aaral ay mayroong maayos na internet conection o pambili ng load para sa online class. Pahirapan din daw ang modular class dahil hindi lahat ng mga estudyante ay natututukan sa kanilang mga bahay. Sa parte naman ng mga guro, pahirapan sa kanila ang regular na paghahatid ng mga module at ang gagamiting mga materyales sa paggawa ng module.

Source: facebook

Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments