Talaga ngang walang makakapantay sa pagmamahal ng isang ina para sa kanyang mga anak. Kahit sa pagpanaw nito, ang kapakanan pa rin ng kanyang mga anak ang kanyang iniisip.
Ito ang napatunayan ng isang netizen matapos nilang matuklasan ang huling pamana sa kanila ng kanilang nanay na pumanaw apat na taon na ang nakalilipas. Hindi inakala ng netizen na si Tim Salonga na mararanasan niya ang ganitong klaseng pagmamahal na inialay sa kanila ng kanilang nanay.
Ayon kay Salonga, sa kaarawan ng kanyang ate, naisipan umano nila na halungkatin ang gamit ng kanilang mama na ipa-uuwi sana nila sa kanilang tita. Ngunit, habang ginagawa ito, mayroon umano silang napansin sa isang damit ng kanilang mama na ikinagulat nina Salonga.
Sa bulsa ng damit na ito, mayroon silang nakitang sulat ng kanilang ina para sa kanila, kasama pa ng Php 5,000 na halaga ng pera, tatlong singsing, at isang pares ng hikaw.
Heto ang nakasaad sa naturang sulat ng kanilang ina:
“Para sa pag aaral ni Tim, Hazel, Herica ang perang ito. Gagamitin nila ito sa pang negosyo nila at paramihin nila ang konting pamana kong ito sakanila at may 3 singsing ito at isang pares ng ikaw (hikaw). Paunlarin niyo ang konting pamana ko sainyo. Salamat mga anak. Mama”
Hindi pa dito natatapos ang pamanang ito ng kanilang ina dahil mayroon pa umanong nakasulat sa likod ng papel na kanilang nakita. Ani naman dito ng kanilang mama,
“Tinago ko ito sa makina sa ilalim nya. Kung sino man ang nakakita nito ay ibigay nyo sa mga anak ko… Wag nyong kunin ang hindi para sainyo.”
Agad naman na tiningnan nina Salonga ang makina na tinutukoy umano ng kanilang ina. Saad pa nito, buti na lamang daw at hindi natuloy ang kanilang balak na ipakalakal ang naturang makina.
Nang buksan na nila ang naturang makina, isang supresa ulit ang bumungad sa kanila na hindi nila kailanman naisip na gagawin ng kanilang mama dahil sa sobrang pagmamahal nito sa kanilang mga anak niya.
Dito, bumungad kina Salonga ang isang passbook sa bangko at ilan pang halaga ng pera. Pahayag naman ni Salonga tungkol dito,
“Di ko lubos isipin na magagawa ni mama 'to. Sobrang selfless nya ni hindi ko man sya nakitang bumili ng mga luho nya na hanggang ngayon kame padin ng mga ate ko inisip nya. Ni isa saamen walang nakakaalam na may ipon si mama.
“Thank you Lord ginabayan mo kameng makita yung huling pamana ni Mama para saamen, gagamitin namen ito sa paraan na gusto ni Mama. Salamat Ma, Salamat Lord. Isa sa mga magandang nangyari samin ngayong 2020.”
Maraming mga netizen naman ang naantig sa mala-pelikulang pangyayari na ito kina Salonga. Ani ng mga ito, isa umano itong patunay kung bakit kakaiba kung magmahal ang isang ina na kahit sa kanyang huling hininga, ang kapakanan pa rin ng kanyang mga anak ang kanyang inu-una.
Sa ngayon, ang Facebook post na ito ni Salonga ay umani na ng mahigit sa 26,000 na mga reaksyon at mahigit sa 20,000 naman na shares.
Source: facebook
Source: Kiat Media
0 Comments