Kaya nga bang ipagpalit ng isang tao ang kanyang dignidad para sa iilang halaga ng pera?
Ito ang inalam ng vlogger na si Jose Hallorina sa kanyang ‘social experiment’ o pagbibigay niya ng pagsubok sa isang tindero sa kalye at isang lola na namamalimos.
Kapalit ng halagang Php 3000 na katumbas ng kanyang puhunan sa lahat ng kanyang mga paninda at inilalakong mga gulay at prutas, hiniling ni Hallorina na halikan ni tatay ang kanyang paa bago maibigay dito ang pera.
Sa loob ng isang araw, gumigising nang madaling araw si tatay upang mamili ng kanyang mga paninda sa palengke. Matapos nito, diretso na sa pagtitinda si tatay hanggang gabi. Kung susumahin, mahigit sa 16 na oras umano araw-araw nagtatrabaho si tatay para lamang kumita ng pera.
Ang hirap na ito sa pagkita ng pera lalo na sa panahon ngayon na mayroong pandemya ang marahil ay malaking dahilan kung bakit walang pagdadalawang isip si tatay na sumang-ayon sa ipinagagawa sa kanya ni Hallorina.
Ayon kay tatay, puhunan na rin umano ang Php 3000 na ibibigay ni Hallorina kaya pumayag ito na gawin ang ipinagagawa ng vlogger.
Naiyak na lamang si Hallorina sa naging tugon na ito ni tatay kung saan, handa itong isakripisyo ang kanyang dignidad at ibaba ng ganoon ang kanyang sarili kapalit ang pera na ibibigay niya rito.
Hindi ipinagawa ni Hallorina ang kanyang hinihiling kay tatay. Ipinaliwanag at ipinaintindi niya rito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dignidad sa sarili kahit na mahirap lamang ang pamumuhay nito.
“Ang hirap kumita ng pera. At dahil sa sobrang hirap, parang isasakripisyo mo nalang ‘yung dignidad mo… ‘yung reputasyon mo. Diba tay? Hindi tama ‘yun tay. Naiintindihan mo ako tay?
“Ang dating sa akin ay nagpapa-api ka lang ‘eh. ‘Wag kang pumayag. Hindi ibig sabihin na kunwari, ako may pera, mag-ooffer ng ganoong challenge, gagawin mo. Hindi po tama,” saad pa ni Hallorina kay tatay.
Sa huli, ibinigay ng vlogger ang ipinangako nitong Php 3000 kay tatay at dinoble niya pa ito. Maliban dito ay binigyan niya rin si tatay ng bigas at ilan pang mga kailangan nito tulad ng mga sabon.
Sa kabilang banda, ang pagsubok naman na ibinigay ni Hallorina sa isang lola na namamalimos ay pagibigay rito ng halagang Php 1500 kapalit ng pagkakalbo niya sa buhok nito.
Noong una, nagdadalawang isip pa si lola sa alok na ito ng vlogger ngunit kalaunan ay pumayag din ito.
Hindi na rin napiglan pa ni Hallorina na malungkot at maiyak sa desiyong ito ni lola na handa ring isakripisyo ang kanyang buhok na 20 taon niyang inalagaan na katumbas ng kanyang dignidad para lamang sa Php 1500.
Naging emosyonal na rin si lola habang kinakausap ito ni Hallorina tungkol sa dapat na pagpapahalaga nito sa kanyang sarili at dignidad kahit na matanda na ito o sa kahirapan.
Napakalaki ng tuwa ni lola nang bigyan siya ni Hallorina ng pera kahit walang kapalit at dahil na rin sa kanyang mga natutunan dito.
Base sa dalawang tagpo na ito, nakakalungkot lamang isipin na maraming mga tao ang handang magpa-api at magpatapak kapalit lamang ng ilang halaga ng pera dahil sa kahirapan ng buhay sa bansa.
“Pantay-pantay lang po tayo. Pare-pareho lang tayong natatabunan ng iisang ulap. Pare-pareho lang tayong nasisilayan ng iisang araw…
“Mamuhay po tayo ng may dignidad at pagmamahal sa kapwa,” mensahe pa nga ni Hallorina.
Source: Kiat Media
0 Comments