Face Masks at Face Shield, Di na Kailangan Ayon kay Former Lipa Archbishop Arguelles

Naging trending sa social media ang ibinahaging homily ni dating Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles sa idinaos niyang misa sa Sto. Tomas, Batangas nito lamang Miyerkules, ika-23 ng Setyembre.

Umani ng sari-saring reaksyon sa social media ang naging payo dito ng arsobispo kung saan, sinabi nito na hindi na raw kailangan ang pagsusuot ng face mask, face shield, ang social distancing para maging ligtas sa COVID-19 dahil pananalig at pagmamahal lamang sa Diyos ang makapagliligtas ayon kay Arguelles.

“Hindi na kailangan ‘yang mask, hindi na kailangan ‘yang face shield, hindi na kailangan ‘yang distancing. Bakit? Mahal tayo ng Diyos at mahal natin Siya… He is the great healer. ‘Pag ang Diyos nasa atin, you don’t have to worry,” saad ni Arguelles.

Maliban dito, pinuna din ng arsobispo ang paglilimita umano ng gobyerno sa bilang ng mga pwedeng makapasok sa simbahan dahil nga sa pandemya. Maging ang pagbibigay ng curfew ay kanya ring kinwestyon sa kanyang homily.

“Wika ng Panginoon, ‘Lumapit kayo sa akin.’ Sa panahong ito, sabi sa’tin, ‘Lumayo kayo kay San Padre Pio, lumayo kayo kay Hesus' kasi sinasara ang simbahan. Kaunti lang ang papasok ng simbahan… Social distancing. Ang saklap, ano po?

“Bawal daw ‘yung 21 years old and below at saka ‘yung matatandang katulad ko, 60 years old and above. Bakit? ‘Yung mga bata ang malalapit sa Diyos, ‘yung mga matatanda, malapit na sa Diyos. Ba’t natin ilalayo? Sino ang may kagagawan niyan? E di ang demonyo,” dagdag pang ani ni Arguelles.

Dahil sa mga pahayag na ito ng arsobispo, marami ang naghayag ng kanilang pagtutol sa nais umano nitong ipaabot sa publiko at sa naging opinyon daw nito.

Galing na mismo sa mga eksperto at napatunayan na sa mga isinagawang pag-aaral na nakakatulong ang pagsusuot ng face mask at face shield para hindi mahawa ang isang tao ng COVID-19. 

Mas bumababa rin ang tsansa na magkahawaan sa isang lugar ang mga tao kung naipapatupad din sa mga ito ang social distancing.

Kaya naman, hindi naiwasang mag-react ng iba sa pahayag na ito ni Arguelles. 

Ayon sa mga ito, bagama’t tama umano na kailangan na manalig ng lahat sa Panginoon lalo na sa panahong ito ng pagsubok, kinakailangan din umanong kumilos ng tao. Ikanga raw sa isang tanyag na kasabihan, ‘Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa’.

Gayunpaman, sa isang panayam ay nanindigan ang arsobispo sa kanyang mga ibinahagi sa naturang homily. Sa isang panayam nito sa GMA News, muli nitong isinaad na hindi solusyon nag face mask, face shield, at social distancing para malabanan ang COVID-19.

“Hindi solution ang face mask, especially exaggerated. Hindi solution ang social distancing. Lalo lang iikli ang buhay mo sapagkat nilalanghap mo sarili mong carbon dioxide. Dapat oxygen ang ating nilalanghap, no? Hindi ito ang real solution…

“Hindi ko naman sinasabing 'wag mag-social distancing ano, pero don't exaggerate parang 'yun na lang ang ultimate remedy na tayo ay maghiwa-hiwalay para tayo 'di magkasakit. In the end, they become lonely, nagpapakamatay. Ang talagang point ko dun eh 'yung dapat hindi isasara ang simbahan… 

“Kahit magalit sa’kin ang lahat ng tao, sinasabi ko lang ‘yung totoo. Ang Diyos lamang ang ating pag-asa,” saad pa rito ng arsobispo.

Source: facebook

Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments