Marami ang nadurog ang puso sa video ng isang senior citizen na namamalimos na lamang sa lansangan kahit pa raw ito’y pa-piso piso lamang. Ayon sa balita, mag-isa na lamang namumuhay ang matanda na si Eddy Gabriel.
Base sa video na binahagi ng vlogger na si Denso Tambyahero, nadaanan nito si Tatay Eddy na namamalimos. Nais pa sanang pakainin ni Denso ang matanda, ngunit tumanggi ito at nagpasalamat. Para lamang daw sa ‘mayayaman’ ang kainang iyon kaya tinanggihan niya ang alok ng vlogger.
Kwento ni Tatay Eddy, nasa Davao at Cotabato ang kanyang mga anak. Minsan na raw naibahagi sa Facebook ang kanyang kalagayan at doon niya nalamang wala raw magagawa ang kanyang mga anak sa kanyang sitwasyon.
Emosyonal din niyang inamin na mas gugustuhin na lamang niyang mag-isa kaysa pumisan sa isa sa mga anak dahil minsan na siyang nasaktan ng asawa nito. Kaya naman gumagawa na lamang siya ng paraan upang makakain at maitawid ang araw-araw.
Dati raw siyang mahusay na karpintero ngunit dahil sa malabo na ang kanyang paningin, hindi na siya makapaghanapbuhay. Dahil dito, nag-abot ng tulong ang vlogger kay Tatay Eddy upang masiguro lamang na may makakain ito sa mga susunod na araw.
Ipinangako rin ni Denso na sakaling mayroong magpaabot ng tulong sa matanda ay agad niyang ibibigay rito. Samantala, nilinaw din ng vlogger na wala siyang ibang intensyon sa video kundi ang matulungan ang matanda. Ang lahat din pati ng kanyang ibinahagi ay base sa kwento ni Tatay Eddy. Narito ang kabuuan ng video:
Masakit mang isipin ngunit ilan sa atin ay mas pinipiling mag-isa na lamang sa buhay kaysa sa makipisan sa kadugo na hindi naman maayos ang trato sa kanila. Mayroon ding nakararanas na abandunahin ng sariling pamilya kaya naman nagtitiis na lamang na mamuhay mag-isa.
Ang ilan naman, tulad nang naibahagi ng programa ng GMA, matagal nang hinahanap ang magulang ngunit mapalad namang nagkita kahit pa ilang dekada na ang lumipas. Gayunpaman, huwag nating kalilimutang kahit pa baliktarin natin ang mundo, iisa lamang ang ating mga magulang. Gaano pa man kahirap ang ating sitwasyon, mamutawi pa rin sana ang respeto, paggalang at pagmamalasakit sa kanila.
Source: Keulisyuna
0 Comments