Wala ng buhay ang 23 taong gulang na si Christine Angelica Faba Dacera, isang Flight Attendant ng Philippine Airlines mula General Santos City, nang matagpuan ito ng kanyang kaibigan sa bathtub ng tinutuluyan nitong kwarto sa isang hotel sa Makati City nitong Enero 1, 2021.
Bago ito ay dumalo umano sa New Year’s Eve party sa lugar si Dacera kasama ang kanyang mga kaibigan. Si Dacera ay isang residente ng VS Subdivision sa Barangay San Isidro, General Santos City at nakatakda itong iuwi doon ngayong darating na Martes o Miyerkules. Samantala, nasa isang punerarya ngayon sa Makati City ang bangkay ni Dacera.
Base sa pinakahuling ulat tungkol sa pagkamatay na ito ni Dacera, ayon sa Makati City PNP ay nakatakda umanong kasuhan ng rape with homicide ang 11 tao dahil bukod sa natamong abrasion sa paa ug contusion sa tuhod ng biktima, ayon kay Makati Police Chief PCOL. Harold Depositar ay nakitaan din ng ‘presence of sperm’ si Dacera base na sa kanilang paunang imbestigasyon.
Base kasi sa kuha ng CCTV ng hotel noong Enero 1, 2021, bandang alas 6 ng umaga ay huli umanong nakita si Dacera na bitbit ng dalawang hindi nakikilalang lalaki mula sa Room 2207 ng hotel hanggang sa pumasok ang mga ito sa tinutuluyang Room 2209 ni Dacera.
Bandang alas 12:30 ng tanghali noong unang araw ng taon nang matagpuan umano ang katawan ng biktima ng kaibigan nitong si Rommel Galida sa bathtub ng kwarto ng hotel na tinutuluyan nito. Natagpuan nito si Dacera sa Room No. 2209 ng City Grand Hotel sa Makati Avenue, Makati City.
Ilang ulit umano na sinubukan ni Galida na gisingan ang kaibigang si Dacera ngunit, laking gulat na lamang nito nang hindi na magising pa ang dalaga.
Dahil dito kaya tinawag ni Galida ang iba pa nilang mga kaibigan na sina Gregorio Angelo de Guzman at John Dela Cerna. Matapos nito ay tinawagan nila ang management ng hotel at agad dinala si Dacera sa clinic nito.
Doon ay sinubukan pa umanong isalba ng Chief Security ng hotel si Dacera at ginawan ng cardio pulmonary resucitation ngunit, wala na itong buhay at hindi na naisalba pa. Nang matagpuan si Dacera na walang buhay ay mayroong nakita rito na mga sugat at galos sa kanyang mga binti at tuhod.
Noong una, malaking palaisipan sa mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pagpanaw ng Flight Attendant. Maging ang pamilya ni Dacera ay walang maisip na dahilan kung bakit namatay o pinatay ang dalaga.
Una nang naghinala ang mga pulisya na mayroong ‘foul play’ sa pagkamatay na ito ni Dacera kaya agad na nagsagawa ang Makati City PNP ng malawakang imbestigasyon sa sanhi ng pagpanaw ng Flight Attendant.
Hiling din ng pamilya ni Dacera na masusing imbestigahan ang nangyari sa dalaga at alamin kung sino ang mga huling nakasama nito. Hinihintay na ngayon ng Makati City PNP ang resulta ng isinagawang medico-legal at toxicology kay Dacera. Hinala rin ng pamilya ng biktima mayroon nangyaring ‘foul play’ o sinadya nga ang ginawang pagpatay sa dalaga.
Source: Kiat Media
0 Comments