Ang depresyon ay isang sensitibong usapin para sa karamihan ngunit, mayroon pa ring mga tao na iba ang pananaw sa kondisyong ito. Mayroong iba na naniniwalang ang depresyon ay isang seryosong sakit habang mayroon ding iilan na binabalewala o hindi naniniwala rito.
Kaya naman, kaugnay nito ay mayroong payo ang kilalang doktor na si Dr. Winston Tiwaquen o mas kilala ng marami sa kayang TikTok username na Dr. Kilimanguru. Si Dr. Winston ay mayroong milyong followers sa TikTok na nag-aabang sa kanyang mga payo o mga paglilinaw tungkol sa mga usapin ng medisina at kalusugan.
Sa isa sa kanyang mga videos, ipinalinawag ni Dr. Winston ang tungkol sa depresyon. Pagdidiin nito tungkol sa depresyon, ito umano ay isang totoong sakit at hindi lamang gawa-gawa ng mga tao.
“Totoong sakit ang depresyon,” ani pa nito.
Dahil sa stigma na nakabalot sa depresyon, karamihan sa mga tao ay sinasabihan lamang ang mga nakakaranas nito na gawa-gawa lamang daw nila ang sakit. Kadalasan ay sinasabi na hindi umano dapat na makaranas ng depresyon ang mga ito dahil hindi sapat ang kanilang rason o di kaya ay mayroon pang ibang mga tao na mas naghihirap kaysa kanila.
Ayon kay Dr. Winston, hindi umano ito tama. Upang mas maipaliwanag ang gusto niyang sabihin, inihambing niya ito sa mga taong allergic sa pagkain ng manok. Pagpapaliwanag pa nga nito,
“Kung nasabi mo ‘to sa anak mo, kabigan mo, o sa kahit na sinong kilala mo, mag-sorry ka. Dahil ang mga ganitong klase ng mga salita ang nagpapalala sa depresyon nila…
“Imagine mo na kumakain ka kasama ang pamilya mo o kaibigan mo. Nagserve ng chicken pero may isa sa inyo na hindi pwedeng kumain ng chicken dahil allergic siya dun.
“Sasabihan mo ba siya ng, ‘bakit ka allergic sa chicken? Wala ka namang rason para maging allergic sa chicken!’ Hindi puwede ‘yun kasi nga hindi kaya ng katawan nila ang chicken.”
Kung nakayanan man umano ng isang tao ang maraming pagsubok sa kanilang buhay nang hindi nadedepress, hindi ibig sabihin na kaya rin ito ng ibang tao dahil nga iba-iba ang ating mga kakayanan. Kaya naman, kung mayroon umanong kakilala ang sinuman na mayroong depresyon, huwag umano itong balewalain.
“Bawat tao ay iba iba ang kaya at hindi kaya. May mga mas malalakas ang immune system at meron din mas mahihina. Kaya kung ikaw, kinaya mo lahat ng paghihirap sa buhay, lahat ng problema, at hindi ka nadepress, sobrang strong mo. Congrats! Swerte mo. Pero hindi lahat, tulad mo…
“Kaya kung may kilala kang nadiagnose with depression, maging supportive ka naman. Kasi totoong sakit ang depression. At tulad ng kahit anong sakit, ‘pag binalewala mo ito, magsisisi ka,” saad pa ulit ni Dr. Winston.
Maraming mga netizen naman ang naliwanagan sa inihayag na ito ni Dr. Winston na isa umanong malaking bagay lalo na sa mga dumaranas nito. Saad pa nga tungkol dito ng ilan,
“Thank you doc. Lagi akong sinasabihan na ‘ang drama’. Walang support. Pero minsan nakapapagod lang din pero laban lang po.”
“Kaya I stopped opening myself. Kasi every time I try, they just listen to reply but never to understand.”
Source: Kiat Media
0 Comments