Petsa at Lugar Kung Saan Ikakasal sina Tom Rodriguez at Carla Abellana, Inanunsyo ng Isang Simbahan

Marami ang natuwa at agad na nagpaabot ng kanilang pagbati para sa Kapuso loveteam at magkarelasyon sa totoong buhay na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez nang ianunsyo kamakailan lang ng isang simbahan na ikakasal na ang dalawa.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ng Parokya ni San Guillermo sa isang anunsyo, sina Carla at Tom ay ikakasal sa darating na ika-23 ng Oktubre, 2021. Gaganapin naman ang kasal ng mga ito sa Madre de Dios Chapel sa Tagaytay Highlands.

Sa naturang anunsyo, nakasaad din ang buong pangalan nina Carla at Tom at iba pang mga mahahalagang impormasyon sa kanila tulad ng edad, address, at pangalan ng kanilang mga magulang.

Ang buong pangalan ni Carla, 34 taong gulang, ay Carla Angeline Abellana, habang si Tom naman, 33 taong gulang, ay Bartolome Mott. 

Ikinatuwa naman ng marami lalo na ng kanilang mga tagasuporta ang tungkol sa anunsyong ito. Matagal nang magkarelasyon ang dalawa at marami ang nag-aabang na matuloy na nga sa simbahan ang kanilang relasyon.

Kaya naman, marami ang agad na nagpaabot ng kanilang pagbati para kina Tom at Carla. Ani ng mga ito, sa wakas ay ikakasal na rin ang dalawa sa pinaka hinahangaan nilang couple o magkarelasyon sa showbiz.

Nabuo umano ang pag-iibigan na ito ng dalawa nang magsama ang mga ito sa 2013 Kapuso Primetiem series na “My Husband’s Lover”. Mula noon, nagkasama pa ulit ang dalawa sa ilan pang mga proyekto at mas lalong lumalim at tumibay din ang kanilang relasyon. 

Bagama’t nanatiling pribado ang relasyon ng dalawa na bihira lamang na maiugnay sa anumang kontrobersiya, sinubaybayan pa rin ito ng marami lalo na’t kita ng mga ito ang tibay ng samahan ng dalawa at kung gaano kamahal ng mga ito ang isa’t-isa.

Samantala, Oktubre pa noong nakaraang taon nang magpropose si Tom kay Carla at tuluyan silang naging engaged, ngunit hindi muna ito ipinaalam ng dalawa sa publiko. Sa katunayan, nito lamang buwan ng Marso nang ianunsyo nila ang tungkol dito.

Simula rin nang magkaroon ng pandemya, hindi itinanggi ng dalawa na magkasama na sila sa iisang bahay. Sa katunayan, ayon sa mga ito ay nakatulong umano sa kanilang relasyon ang ganoong set-up nila. Sa mahigit pitong taon ng mga ito bilang magkarelasyon, mas marami pa umano silang natutunan sa isa’t-isa.

“Marami akong natutunan about Tom during the lockdown but, thankfully, we both step up… Inayos namin and we learned more about each other, even about ourselves,” ang minsang ani pa nga ni Carla tungkol dito sa isang panayam.

Samantala, heto naman ang ilan sa mga komento at pagbati na ibinahagi ng mga netizen tungkol sa nalalapit na kasal nina Tom at Carla:

“Yes! At last! Tom & Carla walking down the aisle. Best wishes  to both of you!”

“Congratulations  to my favorite love team turned real-life couple!! Best wishes!”

“Omggg! Carla and Tom --- my fav couple in GMA. Huhuhu kilig na kilig ako sa dalawang to! Congrats Tom and Carla”

“'Yung ang ganda ng apelyido ni Tom tas Bartolome pala first name nya. Infairness, ang ganda and gwapo pa din nila huhuhu! Congratulations po!!”

Source: KAMI

Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments