Sa panahon ng pandemya, isa sa mga taong nagpadali sa buhay ng marami ay ang mga delivery rider na sinusuong ang lahat, init man o ulan, maihatid lamang ng maayos ang mga bagay o pagkain na ipinapadeliver sa kanila.
Kaya naman, kamakailan lang ay umani ng pagpuri at mga paghanga ang isang delivery rider na ito na kahit baha ay sinuong, makapag serbisyo lamang at makapaghatid ng inorder na produkto ng kustomer.
Sa Facebook post na ibinahagi ng netizen na si Christine Hannah Manuel, hindi nito napigilang ihayag ang kanyang pagsaludo sa dedikasyon na mayroon ang naturang delivery rider na hindi antala ang ulan at baha makapagtrabaho lamang.
Saad pa nito sa kanyang post,
“Pinakamalupit na delivery rider na nakita ko. Sobrang nakakabilib ka, kuya rider ng Lazada. Shout out sa’yo. Umulan… umaraw, tuloy pa rin ang paghatid mo ng mga idedeliver mo. Kahit abot tuhod na ang baha, tuloy ka pa rin. Lazada driver lang sakalam. Salute sa’yo, kuya!”
Kita sa mga larawang ibinahagi ni Christine ang abot tuhod na baha na nilusong lang naman ng delivery rider kahit pa umuulan at mas nababasa pa ito. Ayon kay Christine, sana umano ay mapansin din ng iba ang nakakabilib na dedikasyong ito ng rider sa kanyang trabaho. Hindi naman ito nabigo dahil agad na naging trending ang Facebook post niyang ito na umani rin ng kabi-kabilang positibong mga komento.
Ani ng ilan sa mga ito, hindi raw talaga biro ang trabahong ito dahil kadalasan, nakasalalay daw kasi sa bilang ng kanilang naidedeliver na produkto ang kanilang kita. Kaya naman, kahit na hindi maganda ang panahon ay kailangan pa rin nilang magtrabaho.
Dahil dito, mayroong iba na hindi rin maiwasang malungkot dahil sa katotohanang ito. Ani ng mga ito, sana umano ay unahin pa rin ng mga delivery rider ang kanilang kalusugan at kapakanan dahil kadalasan ay inaabot pa umano ng gabi ang mga ito makapagdeliver lamang.
Samantala, mayroon namang iba na nakakilala sa delivery rider dahil minsan na rin umano nilang nasaksihan ang sipag nito sa kanyang trabaho. Kaya naman, agad din na nagpaabot ang mga ito ng kanilang paghanga at pagsaludo sa kanya.
Heto nga ang ilan pa sa mga komentong ibinahagi ng mga netizen sa viral Facebook post na ito:
“Job well done. Keep it up! Ganyan ang masisipag, walang pinipiling lugar at panahon. Salute to you, kuya rider!”
“Sobrang lakas ng ulan at grabe ang baha pero hndi siya nag-alangan sa pagdeliver. Kawawa nga siya kasi sobrang nabasa talaga siya sa lakas ng ulan.. at kahit mataas ang tubig, hindi siya tumigil…”
“Ganyan talaga, kahit ano mangyari kailangan ideliver kasi kung hindi maubos, babagsak ang performance. Ingat lagi mga paps. Lazada delivery din po ko.”
“Kaya po sa lahat ng umo-order, sana po ‘wag n’yo basta basta kina-cancel mga orders niyo po. Tulong n’yo na po sa’min na makatapos at maka-ubos ng parcel pagdedeliver… Saludo kapatid!”
“Hindi biro ang ganyang trabaho. Kung hindi siya magpupush, wala siyang income. Kaya super saludo ako sa kanya! Hindi natin alam ang kwento niya pero saludo ako. Patuloy lang kuya… Nakaka-inspire ka, kuya rider!”
Source: Kiat Media
0 Comments