Binatang May Cancer na Pangarap Maging Pulis, Binigyang Katuparan ang Hiling sa Loob ng Isang Araw

Sa Calasiao, Pangasinan, isang binatang nangangarap ang napasaya ng mga pulis matapos na tinupad ng mga ito ang hinihiling ng naturang binata.

Kahit sa loob lamang ng isang araw, hindi matatawaran ang saya na naramdaman ni Albert Abulencia na naranasan niya ang maging pulis. Noon pa man ay pangarap na nito ang maging alagad ng batas ngunit, mayroong malaking hadlang sa kanyang pagtupad nito.

Si Albert ay mayroong kinakaharap na sakit na pilit nitong nilalabanan. Ito ay may stage 4 na colon cancer na pilit din nitong tinutustusan ang pagpapagamot sa pamamagitan ng paglalako at pagbebenta ng fishball.

Para lamang sa kanyang buwanang chemotherapy, nasa humigit kumulang Php 50,000 ang kinakailangang pera ni Albert. Kaya naman, kahit na mayroong iniindang karamdaman ay nagsusumikap pa rin ito sa paghahanapbuhay.


Samantala, dahil naman sa sitwasyong ito ni Albert ay nagmagandang loob ang Calasiao National Police, sa pangunguna ni PLTCOL Ferdinand Z. de Asis na tuparin kahit papaano at kahit sa loob lamang ng isang araw ang pangarap ni Albert na maging isang pulis.

Sa loob ng isang araw, ipinaranas ng mga ito sa binata kung paano ang maging isang alagad ng batas. Pinasuot ito ng kanilang uniporme at naging bahagi ng mga kapulisan sa loob ng isang araw. Maliban dito, ipinaranas din sa kanya kung paano ang maging isang hepe ng mga kapulisan at ipinagkatiwala rito ang pamumuno sa kanila sa loob ng sang araw.

Sa mumunti nilang pagtupad sa pangarap ni Albert, hiling ng mga pulis na kahit paaano ay nakatulong at napasaya nila ang binata. Hiniling din ng mga ito na sana ay nabigyan nila ito ng motibasyon o inspirasyon na patuloy lamang na magsumikap at lumaban sa kabila ng hirap na kanyang pinagdaraanan.

Dahil sa karamdaman ni Albert, kita ang malaking pagbaba sa kanyang timbang. Dahil sa cancer ay madalas din itong nanghihina ngunit, wala itong ibang pagpipilian kundi ang patuloy pa rin na magsikap sa paglalako ng fishball.



Ayon kasi sa binata, lahat ay ginawa na nila para matustusan ang kanyang gamutan gaya na lamang ng pagbebenta ng kanilang mga hayop. Kahit maliit lamang ang kanyang kinikita sa pagbebenta ng fishball na nasa humigit kumulang isang daan (Php100) lamang sa loob ng isang araw, pinagtatyagaan na ito ni Albert. Wala itong ibang mapagpipilian lalo na’t nabababaon na rin umano sila mula sa kanilang mga pinagkakautangan.

Kaya naman, bilang dagdag tulong na rin para sa malaking pagsubok na ito sa buhay ni Albert ay nag-abot dito ng tulong ang mga pulis ng Calasiao PNP at hahalili ang mga ito sa gamutan ng binata.

Maliban dito ay naghandog din ang mga kapulisan kay Albert ng full scholarship grant sa kanilang pakikipagpartner sa Metro Dagupan Colleges. Tiwala ang mga ito na sa kabila ng hirap ng buhay ay malalampasan itong lahat ni Albert at maaabot nito ang kanyang pangarap na maging isang ganap na pulis balang araw.



Sa ngayon, masaya ito na kahit paano ay naranasan niya kung paano maging isang huwarang alagad ng batas kahit sa loob lamang ng isang araw.

Source: facebook

Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments