Sa murang edad ay hindi inaasahan sa bata na hirap sa buhay ang magkaroon ng mabibigat na responsibilidad sa buhay kagaya na lamang ng pagtatrabaho para kumita ng pera o pagsalo ng mga gawain na para dapat sa mga matatanda.
Natural sa kanilang makita na naglalaro sa labas kasama ang iba pang kapwa bata o di kaya naman ay nakakapag-aral ng maayos. Karapatan din nilang makaranas ng pag-aaruga mula sa kanilang mga magulang, magkaroon ng maayos na tirahan at makakain ng masustansiyang pagkain araw-araw. Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi ganito ang nararanasan ng ibang mga bata sa ating lipunan. Dahil nga sa mga kadahilanan kagaya ng kahirapan ay napipilitan silang magbanat ng buto sa murang edad.
Isa na sa kanila ang batang babae na nagsilbing magulang sa kaniyang dalawang kapatid sa edad na sampung taon!
Nakilala siya bilang si Xiao Ying at nakatira siya sa maliit na baryo ng Nantang sa Gaozhou, China kasama ang mga kapatid. Bata pa lamang ay marami na siyang lungkot at hirap na pinagdaanan lalo na at hindi ganoon kaganda ang estado ng kanilang pamumuhay.
Naging mahirap pa ang kaniyang kalagayaan noong pumanaw ang kaniyang ama dahil sa malubhang karamdaman at nang di kalaunan ay iniwan din sila ng kaniyang ina sa kanilang Tiyo
Sa kabila ng lahat ng ito ay nanatiling matatag si Xiao. Nangako siya sa kaniyang sarili na hindi niya pababayaan ang mga kapatid at sisiguraduhing balang-araw ay magiging maganda din ang kanilang buhay.
Nais sanang ampunin ng tiyo ni Xiao ang dalawa niyang kapatid na lalaki ngunit dahil alam niyang malalayo ang mga ito sa kaniya ay tumanggi siya sa nasabing alok at minabuting tumayo bilang magulang ng mga ito. Batid niyang hindi ganoon kadali ang kaniyang gagampanang reaponsibilidad ngunit determinado siyang panindigan ang kaniyang pangako na mapanatiling buo ang kaniyang pamilya.
Araw-araw ay abala si Xiao sa pag-aasikaso ng kanilang makakain pati na rin ang pagpapaligo sa kaniyang mga kapatid na kasabay niyang maglakad papunta sa kanilang paaralan. Lubos niyang sinisikap na mapagtapos silang magkakapatid ng pag-aaral dahil alam niyang ito ang magiging susi ng pag-ahon nila sa kahirapan.
Talaga namang kahanga-hanga ang pag-uugali ng batang ito na sa murang edad ay parang matanda na rin kung mag-isip at magplano para sa kinabukasan nilang magkakapatid.
Source: Keulisyuna
0 Comments