Matapos umugong ang balita ng pagbabalik telebisyon ng nag-iisang John Lloyd Cruz, tuloy-tuloy na rin ang mga balita tungkol naman sa kung saan umano nakatakdang mapanood ang aktor.
Kamakailan nga, naiulat na sa pagbabalik nito ay unang mapapanood si John Lloyd sa GMA7. Ito umano ay sa show ni Willie Revillame na “Wowowin” sa darating name ika-6 ng Hunyo.
Maliban dito, isang balita rin tungkol kay John Lloyd ang hatid ng beteranang host at kolumnista na si Lolit Solis. Ayon kay Lolit, maliban sa naturang guesting sa show ni Willie ay magkakaroon na din umano si John Lloyd ng isang sitcom kasama ang aktres na si Andrea Torres.
Sa Instagram post ni Lolit nitong ika-31 ng Mayo, isinaad nito na mukhang si Willie din umano ang magpo-produce ng naturang sitcom. Napabalita rin kasi kamakailan ang tungkol sa pagbabakasyon ni John Lloyd sa Puerto Galera kasama ang TV host.
Sa katunayan ay minsan pa ngang naibahagi ni Willie ang tungkol sa naging pag-uusap nila doon ng aktor.
“Bongga din si Willie Revillame, Salve. Mukhang siya ang magpo-produce ng sitcom nila John Lloyd Cruz at Andrea Torres. Kasi nga sila Willie at John Lloyd mukhang naging bff mula ng dumalaw ang aktor sa Puerto Galera property ng tv host.
“Nag bonding sila, nagpalitan siguro ng ideas, at heto, napag usapan ang isang sitcom para sa aktor,” ang saad pa nga ni Lolit sa kanyang IG post.
Kasama din noon nina Willie at John Lloyd na nagbakasyon sa Puerto Galera ang direktor na si Bobot Mortiz. Kaya naman, dagdag pahayag ni Lolit, maliban sa pagiging producer ni Willie sa naturang sitcom, mukhang ang magiging direktor naman umano nito ay si Direk Bobot.
Samantala, dahil hindi kaila na si John Lloyd ay isang primyadong aktor, ayon kay Lolit ay isang malaking oportunidad umano na maituturing para kay Andrea ang makasama sa isang proyekto si John Lloyd.
Bagama’t wala pa namang anumang kumpirmasyon tungkol dito, hindi umano ni maiwasan ni Lolit na ma-excite sa naturang proyekto dahil talaga namang ka-abang abang na mapanood muli si John Lloyd at “bongga” pa umano ang mga kasali at bubuo sa proyekto.
“Maganda ang project at sanay na mag produce si Willie sa tv production, nandiyan si Bobot Mortiz kaya palagay ko wala ng hitch sa nasabing sitcom. Good project for Andrea Torres dahil isang A1 actor ang kasama niya, dagdag premium sa pagiging star ni Andrea…
“Dapat talagang mapanuod na si John Lloyd Cruz dahil matagal narin naman siyang nagbakasyon sa pag arte. Hintayin natin ang show na ito dahil very exciting. Bongga, muka stars hanggang producer, bongga talaga,” ang ani pa nga ulit ni Lolit.
Kung sakaling matuloy ang naturang sitcom, ito ang isa sa pinakaunang aabangan ng kanyang mga tagasuporta matapos ang humigit-kumulang limang taon na pamamahinga ni John Lloyd sa showbiz.
Kung matatandaan, 2017 noon nang nilisan pansamantala ng aktor ang industriya ng showbiz maging ang dating karelasyon nito na si Ellen Adarna. Bagama’t hindi rin nagtagal ang kanilang relasyon, nagkaroon ng isang anak ang mga ito, si Elias Modesto.
Source: GMANetwork
Source: Kiat Media
0 Comments