Hindi na talaga mapipigilan ang pagkamalikhain ng mga Pinoy. Bukod sa kulay brown at itim na lechon, mayroon naman bagong ibinida na ibang kulay ng lechon sa Cebu.
Matapos pag-usapan ang lechon negra ng General Santos City at asul na lechon sa Zamboanga Sibugay, may ibinida rin na kulay berde na lechon ang mga taga Danao City. Ang lechon na ito ay gawa ng 3 A’s Lechon.
Ito ay gawa ni Ana Marie Batucan na may-ari ng nasabing lechonan. Sinabi niya na request raw ito ng kanyang customer na certified plantita. Bukod sa kulay nito, nilagyan rin daw niya ng mga gulay ang sa loob at mas espesyal din ang lasa.
Kapag lechon talaga, mapaparami talaga ang iyong kain. Ngunit sabi ni Ana Marie na walang dapat ipagalala dahil lahat ng kanyang inilagay na sangkap sa loob ay puro mga natural herbes at spices ang inihalo rito.
Bukod sa green lechon, maari na ring mag request sa kanya ng itim, asul o yung orignal na kulay ng lechon o maging yung pula na may halong itim os striped lechon.
Magkahalo naman ang mga naging reaction ng mga netizen sa nakitang lechon na ipinost sa social media. May iba na inakalang photoshopped ang lahat ngunit totoo pala talaga an berde na lechon.
Sinabi rin ng iba na hindi na sila magtataka na magkakaroon na ng kulay na rainbow na lechon at kung anu-ano pang mga pakulo ang pwedeng gawin sa lechon.
Ngunit, marami pa rin ang nagsasabi na wala pa rin daw makakatalo sa original na kulay ng lechon. Ang sarap tingnan at parang ito na rin ang nakasanayang kainin tuwing may salu-salo.
Saan nga ba nagmula ang pinakaunang lechon sa Pilipinas?
Ito ay nagmula sa Talisay City, Cebu noong 1920s. Ito ang dahilan kung bakit nasa Cebu ang pinakamasarap na lechon sa Pilipinas.
Alam n’yo ba na may pinagkaiba ang lechong gawa sa Visayas at Luzon?
Ayon sa Philippine Primer, ang lechon sa Visayas ay mas kumplikado ang pagkagawa ngunit mas masarap. Sa istilo ng pagluluto ng mga Cebuano, tinatanggal ang lamang loob ng baboy upang paglagyan ng tanglad, onion leeks, laurel, ground black peppercorn, bawang at asin kaya ito mabango at malasa.
Sa bersyon naman ng taga Luzon, hindi sila gaano naglalagay ng mga sangkap sa loob ng tiyan para palabasin ang lasa nito dahil mas pinaghahandaan nila ang masarap na sawsawan gaya ng liver sauce . Samantala, mas gusto naman ng mga Cebuano na isawsaw sa suka ang lechon.
Anuman ang kulay nito, isa pa rin ang hindi mababago sa lechon——–na ito ay isang putaheng espesyal at bida sa mga handaan na para sa ilan ay hindi kayang hindian.
Source: Kiat Media
0 Comments