Nito lamang ika-14 ng Mayo, 2021, sa isinagawang buy-bust operation ng mga kapulisan, arestado ang Pilipinas Got Talent Season 6 Grand Finalist na si Mark Joven Olvido matapos mahuling nagbebenta ng ilegal na droga.
Inaresto umano ng mga kapulisan si Olvido sa Barangay Duhat sa Sta. Cruz, Laguna bandang alas 2 ng hapon. Nakuha mula kay Olvido ang tatlong sachet ng shabu at umano’y marked money mula sa pinagbentahan nito na nagkakahalaga ng dalawang libong piso (Php2,000).
Nang inaresto umano si Olvido at gawan ng imbentaryo ang mga nakumpiska ritong ilegal na droga at pera ay saksi rito ang ilang miyembro ng media at maging ang ilang mga opisyal ng Sta. Cruz, Laguna. Ipinresenta sa mga ito ang mga nakuhang ebidensya laban kay Olvido.
Ang naturang buy-bust operation ay isinagawa umano ng Elements of DEU/PIU District sa ilalim ng direct supervision ng chief ng Police Intelligence Unit na si P/Lt.Col. Arvin Avelino. Pinangunahan naman umano ang operasyon ni P/Lt.Col. Henry Sasaluyam at anim na iba pa nitong kasamahan.
Tuluyan namang inaresto ang PGT grand finalist ng ilang mga taga Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ng region 4 at ng mga pulis sa Sta. Cruz Municipal Police Station.
Si Olvido ay pinakakilala matapos nitong makapasok bilang grand finalist at manalong third runner-up sa ika-anim na season ng ABS-CBN reality talent competition show na Pilipinas Got Talent noong 2018. Dahil sa kanyang talento bilang Vape Master at sa pagiging epektibo nitong komedyante ay kinagiliwan ito ng mga manonood at hurado.
Bago sumalang sa PGT ay nagtatrabaho si Olvido bilang isang traysikel driver. Nang matapos ang programa ay hinirang itong third-runner up na naging susi naman para makapasok ito sa showbiz at maging bahagi ng ilang proyekto.
Maliban sa mga TV guestings ay napanood din dati si Olvido sa ilang mga pelikula tulad ng “Unli Life” noong 2018 at “3Pol Trobol, Huli ka Balbon” noong 2019. Naging bahagi rin ito ng FPJ’s Ang Probisyano kung saan, gumanap itong kaibigan ni Cardo Dalisay, ang karakter ni Coco Martin.
Kaya naman, marami ang nanghinayang kay Olvido nang mabalitaan ang pag-aresto sa kanya ng PDEA at mga kapulisan. Ani ng mga ito, nakakalungkot umano na sinayang nito ang oportunidad na ibinigay sa kanya sa industriya.
Gayunpaman, mayroong iilan na nagsasabing huwag daw munang husgahan si Olvido dahil hindi naman daw alam ng mga ito ang totoong kwento ng PGT grand finalist. Marahil ay nagawa raw ito ni Olvido dahil na rin sa hirap ng buhay.
Heto nga ang ilan pa sa mga ibinahaging komento ng mga netizen tungkol sa pagkakaaresto kay Olvido:
“Sinayang mo buhay at career mo. Simikat at marami ka ng supporters, eh. Dahil lang diyan sa druga, sinayang mo na lahat.”
“Talent wasted. Gusto ko ‘yung comedy niya kaya lng nasayang. Second chances are not for everyone. Hopefully, after he surpasses this, he can still make a successful comeback.”
“Porket pusher, user na agad? Di natin siya masisisi dahil sa hirap ng buhay ngayon. Oo, sobrang mali ang pamamaraan pero sana intindihin natin ‘yung other reason niya. Hindi ‘yung husga agad kayo.”
“Wala talagang magandang maidudulot ‘yang droga na ‘yan! Nasira ang buhay mo dahil sa bisyong ‘yan. Sayang ka!”
Source: Kiat Media
0 Comments