Rason Kung Bakit Namahinga Muna sa Showbiz si John Lloyd, Ibinahagi ni Willie Revillame

Kamakailan ay naging laman ng balita ang tungkol sa pagbabalik telebisyon ng nag-iisang John Lloyd Cruz. Ito ay matapos ang ilang taong pamamahinga sa showbiz ng aktor na talaga namang ikinagulat noon ng marami.

Sa ilalim ng talent agency ni Maja Salvador na Crown Artist Agency ay muli na umanong nagbabalik si John Lloyd sa pag-arte. Ikinatuwa naman ito ng marami lalo na ng mga tagasuporta ng aktor na talaga namang na-miss ito at inaabangan ang kanyang muling pagbabalik sa industriya.

Kaugnay naman nito, kamakailan lang din ay nakausap umano ng host na si Willie Revillame ang aktor nang magbakasyon ang mga ito sa Puerto Galera. Maraming napag-usapan ang dalawa at isa nga sa mga ito ay ang dahilan ng biglang pag-alis o pamamahinga noon ni John Lloyd sa showbiz.

Ayon kay Willie, tinanong umano nito tungkol sa naturang bagay ang aktor. Naikwento umano rito ni John Lloyd ang kanyang rason na ayon naman sa host ay maganda umano ang naging paliwanag sa kanya. 

Hindi maikakaila na isa si John Lloyd sa pinaka tinitingalang aktor sa kanyang henerasyon kaya naman, kabi-kabila ang mga proyekto nito. Ngunit, nakaramdam umano ng pagka-burnout ang aktor sa araw-araw nitong ginagawa. 

Ito umano ang rason kung bakit ito nagdesisyon na umalis pansamantala. Ayon naman kay Willie, binigyang halaga lamang umano ni John Lloyd ang kanyang sarili at kinailangan nito ang naturang pahinga kaya naiintindihan niya ang rason nito. Pagbabahagi pa ng host tungkol dito,

“Actually, gusto ko lang batiin kaibigan natin, si John Lloyd. Kagabi kasama ko siya nasa Puerto Galera kami…Nagkuwentuhan kami sa buhay. 

“Tinanong ko siya, “Ba’t ka ba huminto?” Alam mo, maganda ‘yung mga rason niya, eh. Minsan nabu-burnout ka na. Ito na lang ginagawa ko araw-araw. Paggising ko, shooting. Pagtulog ko… paggising ko, shooting. ‘Yun bang binigyan niya ng halaga iyong sarili niya.”

“Dapat ganyan din tayo, eh,” ang dagdag ani pa nga ni Willie habang kinakausap naman ang mga kasama nito sa programa na sina Ai-ai delas Alas at Rhian Ramos.

Ang naturang bakasyon na tinutukoy ni Willie ay ang pagbabakasyon nila ni John Lloyd kasama ang ilan pa nilang mga kaibigan sa resort ng host sa Puerto Galera. Ilan sa mga kasama ng dalawa sa kanilang bakasyon ay sina Direk Bobot Mortiz, Direk Cathy Garcia-Molina, at ang dating head ng Star Cinema na si Malou Santos. 

Ang pagsasama ng mga ito ay mistulang kanilang muling pagwe-welcome kay John Lloyd na nilisan pansamantala ang showbiz noong 2018.

Kung matatandaan, hindi malinaw noon para sa marami ang biglaang pagkawala ng aktor sa industriya. Usap-usapan din ng mga panahong iyon ang kanyang relasyon sa aktres na si Ellen Adarna. Mula rito ay parehong namahinga muna sa showbiz ang dalawa.

Bagama’t hindi rin nagtagal ang relasyon ng mga ito na naghiwalay din kalaunan, nagkaroon sila ng isang anak; si Elias. Ayon sa aktor, ang anak umano nito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nagsusumikap pa rin ang aktor.

Pagbabahagi pa nga nito, utang niya raw sa kanyang nag-iisang anak ang kanyang buhay.

Source: KAMI


Source: Kiat Media

Post a Comment

0 Comments