Ang kwento ng tagumpay ni John Gokongwei Jr., isa sa pinakamayamang tao sa Pilipinas, ang marahil ay pinakamadalas na marinig at kailanman ay hindi nabigong magpamangha sa marami. Ang kwento nito na nagsimula sa baba ay patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa maraming mga Pilipino.
Bago makilala bilang isa sa pinaka-prominenteng negosyonte sa bansa, nakaranas muna ng ilang taong paghihirap si Gokongwei. Ang kanyang pagsisikap na lumago ang kanyang negosyo ay nagbunga matapos ang ilang taon na walang humpay na pagtatrabaho.
Si Gokongwei ay isang Chinese-Filipino na pinanganak sa isang marangyang pamilya at lumaki sa Cebu. Ngunit, nagbago lahat ng ito nang biglang bawian ng buhay ang kanyang ama. Naubos ang lahat ng kanilang naipundar gaya ng negosyo, bahay, at mga sasakyan kaya napilitan si Gokongwei at kanyang nanay na pabalikan sa Tsina ang kanyang mga kapatid.
Dahil sa mga utang na naiwan pala ng kanyang ama, walang bangko na gustong magpahiram dito ng pera upang makapagsimula ng negosyo at kinuha rin ng mga ito ang kanilang mga ari-arian.
Upang mabuhay, nagsimulang muli sa Gokongwei sa pagbebenta ng mani at kung anu-ano sa palengke. Araw-araw, gamit lamang ang kanyang bisikleta papuntang palengke ay inilalatag doon ni Gokongwei ang kanyang mga paninda. Gamit niya rin ito upang makapaglako ng kanyang mga paninda sa karatig bayan.
Hanggang sa nakakita ito ng oportunidad na magbenta sa mga karatig lugar gaya ng Maynila. Pabalik-balik na noon si Gokongwei sa mga lugar na ito at sa Cebu. Matapos ang World War II, nakita naman ni Gokongwei ang malaking oportunidad sa negosyo.
Itinayo nito ang Amasia o American-Asia trading na nag-aangkat ng mga produkto sa Estados Unidos at ibinebenta nito sa bansa. Ang mga produkto nito ay nakalatag sa ground floor ng dalawang palapag na apartment na tinitirhan nina Gokongwei sa Cebu.
Naipatayo din nito ang kompanyang Universal Corn Products noong 1954 kung saan ay naging pinakamalaking kustomer nila ang San Miguel Corporation. Kalaunan, ang kompanyang ito ni Gokongwei ay tinawag na Universal Robina Corporation na ipinangalan nito sa kanyang panganay na anak na babae.
Dahil sa kanyang pagsisikap, napauwing muli ni Gokongwei ang kanyang pamilya sa Pilipinas mula Tsina. Pinalago nito nang pinalago ang kanyang mga negosyo hanggang sa matapos ang ilang taon at dekadang pagtatrabaho ay itinuring si Gokongwei bilang isa sa mga pinakamayamang tycoons sa bansa.
Ilan pa sa mga negosyo na itinayo at sakop ng Gokongwei group ay ang Cebu Pacific, Robinson’s Land, Robinsons Bank, JG Summit Petrochemicals, Yes Magazine, at iba pa.
Pinangalanan din ng Forbes si Gokongwei bilang pangatlo sa pinakamayamang tao sa Pilipinas na may yamang Php296 bilyon. Sa kabila ng lahat ng kanyang tagumpay, nanatiling mapagkumbaba at mabuting tao si Gokongwei habang pinangangalagaan ang itinayo nitong negosyo para sa kanyang pamilya at mga empleyado.
Sa edad na 93, pumanaw si Gokongwei noong ika-9 ng Nobyembre, 2019. Iniwan nito ang responsibilidad ng pangangalaga sa bilyon-bilyong halaga ng negosyo sa kanyang mga anak na sina Robina Gokongwei Pe at Lance Gokongwei.
Source: Kiat Media
0 Comments