Bagama’t alam naman umano ng aktres na si Jodi Sta. Maria na darating din ang araw na magkakaroon na ng girlfriend ang nag-iisa nitong anak na si Panfilo Lacson III o Thirdy, hindi nito inaasahan na mangyayari na ito ngayon.
Sa isang vlog na ibinahagi ni Jodi nitong unang araw mismo ng taong 2021, isa sa mga nabanggit ng aktres ay nang ipakilala na umano sa kanya ni Thirdy ang girlfriend nito. Ayon kay Jodi, nabigla umano ito nang unang beses na ipakilala sa kanya ng anak ang nobya dahil hindi nito inaasahan na mangyayari na ang naturang bagay.
“Alam ko naman na darating ‘yung time na magkakaroon ng girlfriend si Thirdy. It was just, it came as a surprise lang to me dahil parang hindi ko ini-expect na ito na, agad-agad, now na! So, mas na-surprise, ‘yon ang aking initial reaction,” pagbabahagi pa ng aktres.
Ayon kay Jodi, nabigla siya dito dahil para pa umanong baby para sa aktres ang kanyang 15 taong gulang na nag-iisang anak. Bukas ang mag-ina na malapit ang loob nila sa isa’t-isa at madalas itong makikita sa mga social media post ng aktres.
Gayunpaman, hindi naman umano nakakaramdam ng selos si Jodi ngayong mayroon nang girlfriend ang kanyang anak.
Nang matanong naman sa aktres kung ano umano ang madalas na ipinapaalala o payo niya sa anak, ayon kay Jodi ay madalas niya raw itong sinasabihan na mahalin at respetuhin ang ibang mga tao kahit na ano paman ang kasarian ng mga ito.
“I would always tell him talaga na it’s important to love and respect people regardless of ‘yung kanilang gender kasi, lagi kong sinasabi sa kanya na each person is made in the image and likeness of God,” ani pa rito ni Jodi.
Samantala, bata pa lamang si Thirdy ay lumabas na ito sa ilang mga TV commericials na kadalasan ay kasama nito ang kanyang mommy. Ngunit, ayon sa anak ni Jodi ay wala umano itong balak na sundan ang yapak ng ina at pumasok din sa mundo ng showbiz.
Hindi rin umano iniisip ngayon ni Thirdy kung ano ang kukunin niyang kurso sa kolehiyo. Ani pa nga nito,
“Hindi ko pa alam talaga, eh. Hindi ko pa talaga iniisip ‘yun. Gusto ko lang mag-enjoy.”
Inilarawan naman ni Thirdy ang kanyang mommy bilang isang ‘sobrang loving, caring, at the best’ na mommy para sa kanya. Dito, inihayag din ni Thirdy ang kanyang pasasalamat para sa kanyang mommy Jodi at sa pagmamahal nito sa kanya.
Ani nito, kung mayroon man umano itong maibibigay sa kanyang mommy, ito umano ay ang buong mundo. Saad pa nga nito,
“Si Mommy deserve niya ‘yung buong mundo. Kasi lahat ng sacrifices ni Mommy para sa akin, hindi ko naman magagawa ‘yon para sa kanya eh. Si Mommy, nagwo-work palagi. Ngayon ngang may COVID, kesa mag-rest siya, nagwo-work hard siya para sa amin. Para may mailagay (na pagkain) sa table namin. ‘Yung mga mommy talaga, para silang mga superheroes.”
Source: Kiat Media
0 Comments