Sa ginanap na Physician Licensure Board Exam noong 2019, isa si Dr. Temie Paul ‘Tipoy’ Villarino sa may pinaka malaking marka na nakuha o topnotchers. Dahil dito, nakatanggap si Dr. Tipoy ng kabi-kabilang alok na magagandang oportunidad sa loob at labas ng bansa.
Ngunit, mas pinili ni Dr. Tipoy na tanggihan ang lahat ng ito. Mas pinili nito na magtrabaho at magsilbing doktor sa mga mahihirap nitong kababayan sa isa sa pinaka liblib na lugar sa Zamboanga del Norte, ang bayan ng Godod.
Ayon kay Dr. Tipoy, ito umano ang kanyang ipinangako noong nag-aaral pa lamang siya sa para sa papalapit na board exam. Si Dr. Tipoy ay nagtapos sa West Visayas State University-La Paz sa Iloilo City, Western Visayas.
“During the review phase ng aking journey as a physician, isa sa mga prayers was that kung magiging topnotcher ako, I will go back to serve my hometown…
“So yun yung panata ko sa Diyos natin, na babalik talaga ako dito,” ani pa nito.
Upang maabot ang ilan sa mga lugar o barrio sa kanilang bayan, kinailangan pang maglakad ni Dr. Tipoy ng humigit-kumulang apat na oras. Ito lamang ang tanging municipal doktor sa kanilang bayan na binibigyang serbisyo ang nasa 18,000 na populasyon.
“Sixty-four percent ng aming population belongs to the poverty line, so talagang ang dami pong mahihirap dito.
“When I first came here, nagulat po ako dito sa dami talaga ng pasyenteng nagpapakonsulta. Sa isang araw siguro, aabot ng fifty to sixty [patients], So, uulitin mo iyon mula Monday hanggang Friday po,” pagbabahagi pa ni Dr. Tipoy.
Marami umano sa kanilang lugar ang namamatay dahil sa kakulangan ng doktor at medikal na atensyon. Sa katunayan, naranasan na rin umano ito ni Dr. Tipoy nang bawian ng buhay ang isa nitong mahal sa buhay dahil lamang sa kakulangan sa bakuna.
Kaya naman, ipinangako nito sa sarili na magiging doktor siya para sa mga kababayan para mabigyan ang mga ito ng atensyong medikal gaya ng mga bakuna na nakapagsasalba ng buhay.
Dagdag pa ni Dr. Tipoy, nais niya umanong maging bahagi ng solusyon sa ilan sa mga problema ng bansa. Kaya kahit mahirap, ito ang pinili nitong gawin. Gagawin nito ang lahat para mabigyan ng atensyong medikal ang kaniyang mga kababayan lalo na ngayong may pandemya. Ani pa nito,
“Gusto kong maging part ng solution, kasi napakadaming problema ng ating bansa. Napakadaling magreklamo po, sa totoo lang. Sa dinami-dami ng problema na pinapasan ng ating bansa, napakadaling magreklamo…
“But I’m trying my best to be part of the solution by being a physician, a doctor sa malayo at mahirap na bayan…
“Kahit gaano kahirap ang trabaho, eto yung pinili ko. Part ng journey ko bilang isang doktor, ng isang manggagamot ang ganitong klase na sitwasyon, ang ganitong klase ng kalakaran. Palagi kong iniisip things will get better in time, at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para hindi kakalat yung COVID sa amin, para hindi ako mahawaan ng sakit.”
Sa kabila ng kahangang-hangang dedikasyon at serbisyo ni Dr. Tipoy, ayon dito ay hindi umano siya espesyal. Bahagi lamang din umano siya ng maraming iba pang mga doktor na mas pinili ring magsilbi sa mga lugar na pinaka-nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Source: Kiat Media
0 Comments