Hindi nga maikakaila na halos lahat ay nahuhumaling na sa video sharing platform na TikTok kung saan, kabi-kabila ang mga usong sayaw at pakulo ng mga netizens. Sa katunayan, halos wala nang pinipiling edad ang mga nahuhumaling sa TikTok dahil maging ang mga bata at mga nanay ay hindi na rin nagpapahuli rito.
Ngunit, mayroon man itong saya na naidudulot, hindi rin maikakaila na maraming mga hindi magagandang insidente ang nangyayari dahil din sa TikTok. Gaya na lamang ng isang trahedya na ito sa Estancia, Ilo-ilo kung saan, dahil umano sa sobrang pagkahumaling ng isang nanay sa TikTok ay napabayaan nito ang kanyang anak.
Wala nang buhay pa ang batang ito mula sa Barangay Tacbuyan, Estancia, Ilo-ilo nang matagpuan ng kanyang nanay sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nahulog umano sa septic tank, o poso negro, ang naturang dalawang taong gulang na bata na naging sanhi ng pagpanaw nito noon lamang ika-21 ng Hunyo.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan sa Estancia Municipal Police Station, lumalabas na hindi raw nabantayan ang bata ng nanay nito na nasa loob ng kanilang bahay.
Iniwan umano ng nanay ang naturang anak nito sa labas ng bahay na naglalaro habang ito naman ay masayang nagti-TikTok sa loob ng kanyang bahay kasama ang kanyang mga kaibigan.
Dahil dito kaya hindi niya napagtuunang pansin ang anak na nasa labas. Matapos ang ilang oras, napansin umano ng nanay na wala na siyang naririnig na ingay mula sa labas ng kanyang bahay. Kaya naman, bigla umano itong kinabahan at lumabas ng bahay para sana puntahan ang anak.
Ngunit, hindi nito agad nakita ang anak kaya hinanap niya ito sa paligid. Ganun na lamang ang gulat at pighati ng nanay nang matagpuan nito ang wala nang buhay na anak na palutang-lutang sa kanilang poso negro o septic tank. Wala na itong nagawa pa para sa dalawang taong gulang niyang anak na wala nang buhay.
Sa hindi nito inaasahan ay nawalan siya ng anak dahil lamang sa munting bagay na ginawa nito, ang pagti-TikTok, na naging rason para hindi nito mabantayan ang anak.
Agad naman na bumuhos ang pakikiramay sa pamilya ng pumanaw na bata. Gayunpaman, mayroon ding iba na hindi mapigilang maghayag ng kanilang opinyon tungkol sa nangyaring trahedya.
Ilan sa mga ito ay isinisi sa TikTok ang nangyari dahil kung hindi umano dahil dito ay mababantayan sana ng nanay nang maayos ang kanyang anak. Ngunit, mayroon namang iba na nagsasabing wala sa TikTok ang mali dahil ang nangyari umano ay produkto ng kapabayaan ng naturang nanay.
Ani pa nga ng mga netizen, kahit gaano pa umano kahumaling ang naturang nanay sa pagti-TikTok ay hindi dapat nito pinapabayaan ang anak at ito pa rin dapat ang inuuna nito. Kaya naman, hindi rin maiwasan ng mga ito na ibunton ang sisi sa naturang nanay.
Samantala, payo naman ng ilan, sana raw ay magsilbing leksyon ang trahedyang ito para sa iba na hindi rin mapigilan ang pagkahumaling sa TikTok. Huwag umano kalimutan ng mga ito ang kanilang responsibilidad at ang mga mas mahahalagang bagay bago mag-TikTok.
Source: Kiat Media
0 Comments